Lucas 23:46 “Sumigaw nang malakas si Hesus, Ama sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu.”
Tayo po ay manalangin.
Sa araw-araw ay maraming beses nating ipinagtatagubilin o ipinagkakatiwala ang ating buhay. Sa pagsakay sa jeep ay inaaasa nating ligtas tayong makararating sa ating destinasyon. Sa ating paglakad sa isang kalye ay ipinagkakatiwala natin an gating buhay sa kaalamang ligtas lumakad sa lugar na iyon. Maging si David sa kaniyang mga awit sa Psalm 31 ay nagpakita ng kaniyang pagtatagubilin ng kaniyang buhay sa Diyos. Sa mga talata rin sa Awit 31 makikita ang mga huling salitang binitawan ni Hesus bago Siya malagutan ng hininga sa krus. Awit 31:5a “sa iyong mga kamay ay ipinagkakatiwala ko ang aking buhay.” Sa tanghali pong ito ay muli nating babalikan ang ikapitong wika at kung ano nga ba ang itinuturo nito sa atin.
Marahil ay alam naman po natin ang mga nangyayari nang isigaw ni Hesus ang ikapitong wika. Anim na oras na siyang nasa ilalim ng initan, duguan, bugbog-sarado at nakapako sa krus. Ang ikapitong wika ang huling mga salitang binanggit niya bago siya tuluyang nawalan ng hininga. Sa hapon pong ito, babalikan natin ang istorya ng pagkamatay ni Hesus at iisa-isahin natin ang mga itinuturo sa atin ng bawat talata. Sa ebanghelyo ayon kay Lucas, matatagpuan ang kuwento ng pagkamatay ni Hesus sa Chapter 23, verses 44-49. Sa verse 44-45, “Nang magtatanghaling tapat na, hanggang sa ikatlo ng hapon, nagdilim sa buong lupain. Nawalan ng liwanag ang araw at ang tabing ng templo’y napunit sa gitna.” Ayon sa iskolar na si John Gill, nagkaroon ng total solar eclipse na tumagal nang tatlong oras at sumakto ang pinakamadilim na bahagi sa lugar ng pinangyarihan ng kamatayan ni Hesus. Inihanda ng Diyos ang mismong pagtapat ng buwan sa araw sa mismong huling tatlong oras ng buhay ni Hesus sa laman. Ayon sa ibang mga ebanghelyo ay nagkaroon pa ng lindol nang mga panahong iyon na nagsanhi ng pagkahati ng tabing sa templo. Ang harang sa templo na nagsilbing pagitan sa mga taong makasalanan at ng banal na Diyos ay nahati sa gitna. Inilagak ni Hesus ang bigat ng ating mga kasalanan sa Kaniya at ang Kaniyang kabanalan sa atin upang tayo ay makapanumbalik sa ating katutubong kalalagayan, sa kalagayang katulad ni Adan bago siya magkasala, kalagayang kasamang naglalakad ang Diyos, kalagayang nakakausap nang malaya ang Diyos. The “Wonderful Exchange” ika nga ni Martin Luther. Verse 46, ang ikapitong wika, “Sumigaw nang malakas si Hesus, Ama, sa mga kamay Mo’y ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu. At pagkasabi nito, nalagot ang Kaniyang hininga.” Linawin po muna natin ang espiritu na ipinagtagubilin ni Hesus. Hindi po ito ang ikatlong Persona ng Diyos na banal na Espiritu kundi ang di-materyal na aspekto ng pagkatao ni Hesus. Katulad natin na may dalawang komposisyon, ang materyal at di-materyal, ang Panginoong Hesus ay mayroong dalawang aspekto. Patuloy po sa ikapitong wika, kanina po ay nakita natin na ang ikapitong wika ay mula sa awit ni David sa Psalm 31:5. Kung babasahin po natin ang kabuuan ng Psalm 31, makikita po natin ang matinding pagtitiwala ni David sa Diyos. At kilala naman natin si David na talagang may malaking pagtitiwala sa Diyos na handa Niyang ilagak ang buhay niya sa mga Kamay ng Diyos. Ni hindi siya natakot harapin si Goliath na may espada, may baluti, may kalasag at iba pang mga military na equipment, at ang hawak lang niya, tirador! Tatlong batong maninipis, tirador at ang Diyos, handa na siyang sumugal sa laban dahil ang tiwala at pag-asa niya ay sa Diyos. Sa verses 9-14 ng Psalm 31 ay mababasa rin po natin ang mga nararamdaman ni David nung mga panahong siya nagdadalamhati. Gayunpaman, nasa Diyos ang kaniyang pag-asa. Katulad ni David na iniwan ng kaniyang mga kaibigan, ipinagtagubilin rin ni Hesus ang kaniyang espiritu sa Diyos Ama, sa gitna ng pagtalikod ng kaniyang sariling bayan, disipulo at ang pinakamasakit, ang pagtalikod ng Diyos dahil sa paglagak ng kasalanan sa kaniya. Patuloy po tayo sa verse 47, “Nang Makita ng kapitan ng mga kawal ang nangyari, siya’y nagpuri sa Diyos na sinasabi, Tunay ngang matuwid ang taong ito.” Ang kapitan ng mga kawal, o mas kilala sa tawag na senturyon, ay isang Romano, isang pagano, mananamba sa diyos-diyosan at walang pagkilala sa buhay at banal na Diyos. Gayunpaman nakita natin ang kaniyang pagpupuri at pagdedeklara na si Hesus ay matuwid. Sa ibang ebanghelyo, “Tunay ngang ito ang anak ng Diyos!” Bagama’t hindi na po natin nakita ang naging buhay ng kapitan pagkatapos sa mga gawa at mga ilang sulat ni Pablo, makikita po natin dito na kumilos ang banal na Espiritu sa kaniyang buhay at inudyukan siyang magpuri at sambitin ang mga ganoong salita. Alalahanin po nating siya ay isang Hentil. Ipinapahiwatig po nito na ang tabing sa templo ay nabuksan hindi lamang para sa mga hudyo kundi maging sa mga Hentil na rin! Sa sulat ni Lukas sa mga Gawa ng mga Apostol, makikita po natin ang pagkalat ng ebanghelyo sa Judea, Samaria hanggang Espanya. Tayo, bilang mga Pilipino ay mga “ingrafted believers” lamang. Mga mananampalatayang dahil sa ginawa ni Hesus ay napasama tayo sa mga naaaliw ng biyaya ng Diyos sa lipi ni Abraham. Ngayon ay malaya na tayong nakasasamba sa isang banal na Diyos at nakasisiguro tayo na siya ay nagagalak sa ating pagsamba. Sa verse 48 “Maraming tao ang nagkakatipon doon at nanonood. Nang Makita nila ang mga nangyari, umuwi silang lungkot na lungkot.” Nang Makita ng mga nanonood na tuluyan na ngang namatay si Hesus ay nag-uwian na silang malungkot. Ayon sa ibang salin ay umuwi silang dinadagukan ang kanilang mga dibdib. Sa Jewish culture, ang pagdagok ng dibdib ay nagpapakita ng matinding paghihinagpis. Bakit nga ba sila naghihinagpis? Ito ba ay dahil pinatay nila ang isang walang kasalanan? O dahil umasa silang bababa siya mula sa krus at palalayain ang Israel mula sa tanikala ng Roma subalit nabigo dahil napatay? Maaaring iyong una o iyong ikalawa. Subalit isa ang klaro, Pinarusahan nila ang walang kasalanan! Pinatay nila si Hesus! Ito ang nagtulak sa mga manonood na umuwi nang may paghihinagpis. Dito ay makikita natin ang malawakang pagpaplano ng Diyos na bagama’t siya nagmukhang talunan sa kaniyang kamatayan, ito pala ay tagumpay. Sapagka’t tunay ngang nakalaya tayo sa tanikala, hindi ng Roma, kundi ng kasalanan. At sa ikahuling text, verse 49, “Nakatayo naman sa di-kalayuan ang mga kasamahan ni Hesus, pati ang mga babaen sumama sa kaniya mula sa Galilea. Nakita rin nila ang mga pangyayaring ito.” Ang mga tinutukoy po rito ay sina Maria Magdalena, Martha, Maria na ina ni James the Less at Joses at Salome. Tignan na lang po natin ang mga counter-references sa ating mga bibliya.
“Ama sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu.”
Ang ikapitong wika ay napakayaman at napakaraming itinuturo sa atin. Gayunpaman ay lilimitahan lang po natin sa tatlo. Una, pagtitiwala ng ating buhay sa Diyos. Walang ibang maaaring puwedeng pagkatiwalaan n gating buhay kungdi ang Diyos, ang ating Manlilikha, ang ating Tanggulan, ang ating Ama. Siya ay kumikilos upang ang lahat ng bagay ay magkalakip upang tawagin ka, banalin ka at luwalhatiin ka. Maaaring ang mga pagkilos Niya minsan ay hindi natin Makita ang halaga at ang sensem ngunit kung ipagkakatiwala mo ang buhay mo, hindi mo man naiintindihan, siguradong kakasamahin ka Niya sa paraiso.
Ikalawa, pag-asa, bagama’t mamamatay na, naniwala pa rin ang Panginoong Hesus na sa kamay ng Ama ay may ginhawa, katagumpayan at kasiguruhan. Makiakaasa tayong muli tayong bubuhayin ng Diyos pagkatapos ng ating kamatayan.
Ikatlo at huling puntos, pananampalataya. Katulad ng kapitan ng mga kawal na nanampalataya sa isang bugbog-sarado, duguan, hubad at patay ay matuwid at tunay na Anak ng Diyos, sa atin din ay kumilos ang banal na Espiritu upang sumampalataya sa Diyos. Hindi ang eclipse, lindol at pagkahati ng tabing ang nagtulak upang manampalataya ang centurion kungdi ang udyok ng Banal na Espiritu. Gayundin, hindi ang ating pagtanggap kundi ang pagtanggap ng Diyos sa atin ang nagbukas ng ating mga mata upang manampalataya kay Hesus,
Pagtitiwala, Pag-asa at Pananampalataya. Tatlong napakayayamang mga pagpapaalala na ibinigay sa atin ng huling wika n gating Panginoon. Tatlong mayayamang bagay na paulit-ulit na nagsasalita sa atin. Magtiwala ka, Umasa ka, manampalataya ka. Ito ang tawag sa lahat ng mga anak niya at patuloy na nagsasabi sa iyo, narito ang biyaya ko, tuturuan kitang magtiwala sa akin, umasa sa akin at manampalataya sa akin.
“Ama sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu.”
Tayo po ay manalangin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento