Sabado, Mayo 28, 2011

Ang Anak ng Tao ay Naparito Upang Hanapin at Iligtas Ang Nawala


Magandang gabi po mga kapatid.
Sa gabi pong ito ay muli po nating babalikan ang kuwento ni Zaqueo at pag-aaralan po natin ang mahahalagang bagay na itinuturo sa atin nito.
Sapagka't ang Anak ng tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang nawala.“
Luke 19:10
Tayo po ay saglit na yumuko at manalangin.

Kung ang ebanghelyo ayon kay Juan ay may Juan 3:16, ang ebanghelyo naman ayon kay Lukas ay may Lukas 19:10. At kung kikilatisin po nating mabuti, iisa po ang mensahe. Ang Diyos ay kumilos para sa Kaniyang mga anak. Sa gabi pong ito ay titingnan natin ang naging pagkilos ng Diyos sa buhay ng isa sa mga sikat na tauhan ng bibliya, si Zaqueo.

Sa kuwento po ni Zaqueo ay may dalawang prominenteng tauhan, si Hesus at si Zaqueo. Kilalanin po natin ang pinanggalingan ng dalawa at ang kanilang pagtatagpo. Una po ay ang Panginoong Hesus. Nang ihula ni Hesus ang kaniyang kamatayan, Siya ay nasa Capernaum. Maganda pong medyo ipicture natin ang mapa ng Israel. Ang Capernaum po ay nasa bandang hilaga. At sa palibot ng lawa dito naganap ang maraming himala ni Hesus. Pagkatapos ng kaniyang hula ay muli Siyang naglakbay at nagministeryo sa Judea. Nagpagaling Siya, nagturo at ibinahagi ang mabuting balita ng kaligtasan. Sa Mateo 20:17 po ay mababasa natin na ang Panginoon, kasama ang Kaniyang mga alagad ay papunta na sa Jerusalem “Samantalang umaahon si Jesus, ay bukod niyang isinama ang labingdalawang alagad, at sa daa'y sinabi niya sa kanila, Narito, nagsisiahon tayo sa Jerusalem; at ibibigay ang Anak ng tao sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba; at kanilang hahatulang siya'y patayin,” Sa Ingles po ay mas malinaw na papunta na sila sa Jerusalem, “And Jesus going up to Jerusalem took the twelve disciples apart in the way, and said unto them,” Pero po sa Mateo 20:29, sila po ay papunta na sa Jerico. Balik po tayo sa mapa, mula po sa hilaga, sa Capernaum ay bumaba sila sa Judea, pagkatapos ay lumakad patungong Jerusalem, at lumagpas papuntang Jerico. Ang Jerusalem ay nasa pagitan ng Perea, kung nasaan ang Jerico, at ng Judea. Bakit lumagpas sa Jerusalem si Hesus? May isa pong dahilang ipinakita sa atin, basahin po natin sa Lukas 19:5, “At nang dumating si Jesus sa dakong yaon, ay siya'y tumingala, at sinabi sa kaniya, Zaqueo, magmadali ka, at bumaba ka; sapagka't ngayo'y kinakailangang ako'y tumuloy sa bahay mo.” Kinakailangang tumuloy ni Hesus sa bahay ni Zaqueo bago Siya pumunta sa Jerusalem at mamatay.
Ikalawang tauhan, si Zaqueo, sino nga ba siya? Ikalawang talata ng Lukas 19, “At narito, isang lalake na tinatawag sa pangalang Zaqueo; at siya'y isang puno ng mga maniningil ng buwis, at siya'y mayaman.”  Si Zaqueo po ay hindi lang basta maniningil ng buwis. Siya ay isang puno, ulo, tagapangasiwa ng mga maniningil ng buwis. Sabi po ng Geneva Commentaries “The overseer and head of the publicans who were there together: for the publicans were divided into companies, as we may gather from many places in the orations of Cicero”. Kung ang mga publikano ay nahahati sa maraming kumpanya, at si Zaqueo ang ulo nito, lumalabas po na parang isang Head ng Bureau of Customs si Zaqueo, kung saan nagbabayad ang maraming maliliit na taga-singil ng tax sa bawat pumapasok na kalakal sa ating bansa. Sa panahon po nina Zaqueo at Jesus, ang mga maninigil ng buwis ay itinuturing na makasalanan, mapanlamang, madaya at madungis. Nakita naman po natin ito sa kuwento ng nananalanging Pariseo at Publikano. Sa madaling salita, kung ganoon ang tingin ng mga hudyo sa isang maninigil ng buwis, paano pa kaya ang tingin nila kay Zaqueo na puno ng mga maniningil ng buwis? Malamang sikat na sikat siyang demonyo sa kanilang panahon.

Ang pagkakakilala ni Zaqueo kay Jesus ay maaaring dala ng kasikatan ng huli. Kaya noong nabalitaan ni Zaqueo na darating si Jesus sa Jerico, nagnasa siyang Makita ito.  Sa mga huling talata ni Lukas sa kapitulo 18, naitala po niya ang pagpapagaling kay Bartimaeus sa daan papuntang Jerico. Maaaring nalaman ni Zaqueo ang pagdating ni Jesus sa mga ulat ng mga tao tungkol dito, “At pagdaka'y tinanggap niya ang kaniyang paningin, at sumunod sa kaniya, na niluluwalhati ang Dios: at pagkakita nito ng buong bayan, ay nangagpuri sa Dios.” Marami po ang nakasaksi  sa pagpapagaling kay Bartimaeus. Maaari ring nalaman ni Zaqueo ang pagdating ni Jesus sa mismong pagpasok ng Huli sa Jerico, “At siya'y pumasok at nagdaan sa Jerico.”

“At pinagpipilitan niyang makita si Jesus kung sino kaya siya; at hindi mangyari, dahil sa maraming tao, sapagka't siya'y pandak.” Verse 3. Napakaganda po ng ginamit na salita sa translation natin sa Tagalog, Pinagpilitan. Pinilit ni Zaqueo na Makita at makilala si Hesus pero hindi niya magawa dahil sa kanyang kaliitan. Alam po ninyo maraming mga interpretasyon na ang inilagay sa mga talatang ito. Isa sa mga sikat ay ang kapandakan ni Zaqueo ay ang ating mga kahinaan na tila sinasabing ang ating mga kakulangan ang siyang pumipigil sa ating paglapit sa Diyos. Iyong “shortness” daw niya ay ang ating “shortcomings” before the Lord. Pero kung gusto po nating gawing inspirationally parallel sa buhay natin siZaqueo, pinakamaganda iyong pagpipilit niya na Makita si Jesus, at hindi mangyari. Gayunpaman, balik na po tayo sa kuwento ni Zaqueo, sa kabila ng kaliitan niya ay may nakita siya, ang puno ng Sikamoro! Sa isip-isip po siguro ni Zaqueo, “Kailangan yatang akyatin ko ang punong iyon para Makita ko si Jesus. Kailangan palang may gawin ako.” Iniimagine ko nga po ang mukha ni Zaqueo habang nakikitang naglalakad sa Jesus papalapit sa kaniya. Siguro excited siya. Pero hindi ko na maisip pa ang mukha niya nang malapit na sa puno ng sikamoro si Jesus at biglang “siya'y tumingala, at sinabi sa kaniya, Zaqueo, magmadali ka, at bumaba ka; sapagka't ngayo'y kinakailangang ako'y tumuloy sa bahay mo.” Tinawag siya ni Jesus sa pangalan niya, Zaqueo, at pupunta sa bahay niya. Tinawag siya ng taong gusto niyang Makita at gusto, kinailangan pang pumunta sa bahay niya. Hindi sa kapitbahay nita, hindi sa bahay ng sinumang pariseo sa Perea, kungdi sa bahay niya. Isang matuwid na tao ang nagpakita ng pangangailangang pumunta sa bahay niya. Kung iisa-isahin po natin ang ikalimang talata, “siya’y tumingala at sinabi sa kaniya…” Makikita po natin na alam ni Jesus kung nasaan si Zaqueo noong mga oras na iyon. Alam niyang nasa taas ng puno ng sikamoro si Zaqueo! Ang pagiging maliit na Zaqueo at ang puno ng Sikamoro ay inihanda ng Diyos upang siya ay makita ng Anak ng Tao. Sabi sa komentaryo ni Dr. John Gill, “Where the tree stood, in which Zacchaeus was. Christ knows where his people are, and where to find them, where they commonly dwell, or where at any time they are, he being God omniscient: besides, the bounds of their habitations are fixed by the determination and appointment of God, and were foreknown by Christ, who, before the world began, was "rejoicing in the habitable part of his earth", where he knew his saints would dwell, who are "the sons of men", with whom his delights were; and he knows where they are, when the time is come to call them: he knew Zacchaeus was in the sycamore tree, as he saw Nathanael under the fig tree, before Philip called him”

“At siya'y nagmadali, at bumaba, at tinanggap siyang may tuwa.”, ika-anim na talata. Nagmamadali, excited, at punong-puno ng kagalakan na pinatuloy ni Zaqueo si Jesus sa kaniyang tahanan. Nakita niya ang kaniyang pearl of great price na tinukoy sa Mateo 13:45, ang kaniyang natatagong kayamanan ng Mateo 13:44. Literal na ginanapan ni Zaqueo ang kaniyang pinakamataas na rason ng pagkakalikha, ang luwalhatiin at magalak sa Diyos. For the chief end of man is to glorify God and to enjoy Him forever. Sobrang tuwa niya na kahit, ikapitong talata, “nangagbulongbulungan silang lahat, na nangagsasabi, Siya'y pumasok na nanunuluyan sa isang taong makasalanan.”, tinuturing siyang makasalanan, kanya naming “nililimot ang mga bagay na nasa likuran, at tinutungo ang mga bagay na hinaharap” at ikawalong talata, “nagtindig, at sinabi sa Panginoon, Narito, Panginoon, ang kalahati ng aking mga pag-aari ay ibinibigay ko sa mga dukha; at kung sakali't nakasingil akong may daya sa kanino mang tao, ay isinasauli ko ng makaapat”. Ito ang nagawa ng pagtawag ni Jesus sa kaniya. Tinawag siya ni Jesus, at tila napakaimportante niya na bago pa mamatay si Jesus sa krus, pinuntahan pa Siya nito sa Jerico at kumain pa sa bahay niya. Ano ang nagging resulta? Nagbago si Zaqueo. Ibibigay niya ang higit pa sa hinihingi ng batas sa Leviticus. Isasauli niyang apat na uli samantalang ang hinihingi lamang ay iyong orihinal na value plus 1/5.

“At sinabi sa kaniya ni Jesus, Dumating sa bahay na ito ngayon ang pagkaligtas, sapagka't siya'y anak din naman ni Abraham.” Dumating ang kaligtasan sa tahanan ni Zaqueo hindi dahil sa kaniyang pagbabalik ng pera kundi dahil siya ay minsang nawala, at nakita na ng Anak ng Tao. “For the Son of Man came to seek and save which was lost. “

Marami pa pong itinuturo sa atin ang buhay ng pagkakahanap kay Zaqueo ngunit sa gabing ito ay may dalawang puntos tayong tutunghayan. Una, na ang Anak ng Tao ay naparito upang hanapin ang nawawala, at ikalawa, naparito ang Anak ng Tao upang iligtas ang nawala.

Ang Anak ng Tao ay naparito upang hanapin ang nawala. Paano nga ba maghanap ang Anak ng Tao? Makikita po natin sa kuwento na si Jesus ay may intensyong pumasok na sa Jerusalem ngunit dahil may isa pang nawawala sa mga dapat niya nang naipasok sa kaharian Niya. Nilagpasan Niya ang Jerusalem at pumunta pa sa rehiyon ng Perea, sa lugar ng Jerico. At sa liit ng hahanapin Niya, kinailangang magkaroon ng kakaibang paraan. Hindi katulad nang kay Philip na nakita niya lang sa ilalim ng puno, kundi sa itaas ng puno. Kung aalalahanin po natin ang konteksto ng Romans 8:28 at ang mga succeeding verses, na ang Diyos ay kumikilos para sa ikaliligtas ng Kaniyang mga anak, na nag-iisang mabuti.  Minabuti ng Diyos na magkaroon ng puno ng Sikamoro sa lugar na iyon upang sa taong 33 A.D., ay makita ni Jesus ang isang nawawala Niyang alagad. Paano ba tayo nakita ng ating Panginoon? Si C.S. Lewis, na isang atista, ay natagpuan ng Panginoon habang umaakyat ng hagdanan at nagpahayag ang Diyos sa isang signboard. Hindi ko na maalala kung anong sitas ang nasa signboard pero sa pamamagitan nito ay nakita niya ang pagtawag sa kaniya. Ang Diyos ang kumilos upang sila ay hanapin. Gayundin sa iyo kapatid, ang Diyos ang kumilos upang ikaw ay makita. Ang Diyos ay kumilos upang ikaw ay mapabilang sa mga tupang nasa kaniyang sheepfold. Huwag nawa tayong magkaroon ng pag-iisip na tayo ay nagkaroon ng efforts upang ang Diyos ay ating hanapin. Baka hanggang ngayon kapatid, ay iniisip pa rin natin na tayo ay nagkaroon ng kaligtasan dahil sa tinanggap natin si Jesus sa ating puso dahil nagmamakaawa na Siya sa iyo. Baka hanggang ngayon ay pinanghahawakan mo pa ring ikaw ang pumili sa Diyos. Kapatid, malinaw na dumating ang kaligtasan sa pamilya ni Zaqueo dahil siya ay isa sa mga tunay na anak ni Abraham. Hindi dahil sa laman o pagiging tunay na Hudyo, kundi ayon sa Romans 9, ayon sa awa ng Diyos. Siya ang pumipili at hindi tayo. Ikaw kapatid, ay pinili ng Diyos upang ang kaniyang biyaya ay tumakbo sa iyong pamilya. Hinanap ka niya at tinawag upang ikaw ay lumapit sa kaniya at kilalanin Siya bilang iyong Diyos.

Ang Anak ng Tao ay naparito upang iligtas ang nawala. Nakita po natin kanina na si Zaqueo ay may masamang impresyon sa kaniyang mga kalahi dahil sa kaniyang trabaho. Siya ay kinikilalang isang matinding makasalanan. Gayunpaman, muling ipinakita ng Diyos ang kaniyang pag-ibig at kapangyarihan sa pagliligtas na Kaniyang ginawa sa sambahayan ni Zaqueo. Nang tawagin ni Jesus sa puno ng Sikamoro si Zaqueo, dali-dali itong bumaba at galak na galak na pinatuloy si Jesus sa kaniyang bahay. At sa kabila ng mga umuugong na balitang tumuloy si Jesus sa bahay ng isang makasalanan, siya ay tumindig at sinabi “sinabi sa Panginoon, Narito, Panginoon, ang kalahati ng aking mga pag-aari ay ibinibigay ko sa mga dukha; at kung sakali't nakasingil akong may daya sa kanino mang tao, ay isinasauli ko ng makaapat”. Kitang-kita agad ang kapangyarihan ng Diyos na magligtas ng Kaniyang anak mula sa kasalanan. Kitang-kita ang pagbabago sa kaisipan ni Zaqueo. Iniligtas ni Jesus si Zaqueo mula sa pagka-alipin sa kasalanan kahit pa siya ay itinuring na isang makasalanan. Inililigtas ni Jesus ang Kaniyang mga tupa sa pagka-alipin sa kasalanan kahit pa anong pagkalugmok ng sinuman, pag Siya ang tumawag, siyang ahon. Tayong mga anak ng Diyos ay napakapalad dahil sa kabila ng ating mga malaking pagkukulang, tagong kasalanan, mapagsariling kaisipan, kayabangan, pagiging mapagmataas at mapanghatol sa ating mga kapatid, iniligtas pa rin tayo ng Diyos. At katulad ni Zaqueo, nagkaroon tayo ng bagong puso. Ang bagong puso ay ipinangako sa atin ng ating Panginoon dahil hindi nga natin nanaisin na piliin ang Diyos. Ezekiel 36:26-27, “Bibigyan ko rin naman kayo ng bagong puso, at lalagyan ko ang loob ninyo ng bagong diwa; at aking aalisin ang batong puso sa inyong katawan, at aking bibigyan kayo ng pusong laman. At aking ilalagay ang aking Espiritu sa loob ninyo, at palalakarin ko kayo ng ayon sa aking mga palatuntunan, at inyong iingatan ang aking mga kahatulan, at isasagawa.” Bibigyan tayo ng Diyos ng pusong susunod sa kaniyang mga utos. Iniligtas na tayo ng Diyos sa hatol, pinapabanal Niya pa tayo. Ito ang katunayan na ikaw ay iniligtas na ng Panginoon. Ang iyong pag-iisip ay magkakaroon ng matinding pagbabago. Matutunan mong kilalanin ang Diyos bilang tunay na Diyos, banal, kaaya-aya at nag-iisa. At katulad ni Zaqueo, kikilalanin mo Siya at tatanggapin sa iyong sambahayan nang punong-puno ng kagalakan. Ang isang tunay na mananampalataya ng Diyos, ang mga pinili ng Diyos ay magkakaroon ng buhay na iniligtas mula sa kapangyarihan ng kasalanan.

Ang Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang nawala. Kapatid, ikaw ay hinanap ng Panginoon at iniligtas nang wala kang ginagawa. Isa lang ang naging kontribusyon mo sa kaligtasan, at ito ang iyong kasalanan. Kung mayroon ka mang dapat na ilapit sa Panginoong Jesus na sukat ikaligtas mo, ito ang iyong mga kasalanan. Katulad ni Zaqueo, siya ay hinanap ng Panginoon at iniligtas mula sa kaniyang kasalanan. Tayo rin mga kapatid, ay kaniyang hinanap at iniligtas. Sa diwa pong ito, tayo po ay sumamba at manalangin.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento